Friday, December 31, 2010

Trapik


Nakaranas ka na ng mabagal na trapik sa kalsada? Nakasakay ka sa jeep, ang alam mong dapat isang oras lang na byahe, naging isa't kalahati, dalawa, dalawa't kalahating oras na. Nananakit na ang puwitan mo, nangangalay na ang mga paa, nakatulog ka na at paggising ay parang halos isang metro pa lang ang itinakbo ng sinasakyan mo. Maiinis ka? Mangangarap na sana'y wala ka sa kinalalagyan mong yon? Iisipin na sana'y di ka na umalis at nanatili na lang sa kung nasan ka kanina? Siguro magkakandahaba ang leeg mo sa pagtanaw sa unahan. Di mo naman makikita kasi nahaharangan pa ng ibang mga sasakyan. Maghihintay ka na lang. Gagawa ng sariling mapagkakaabalahan. Alam mong aandar din yan. Pero minsan iniisip mo ring bakit hindi na lang lakarin at gumawa ng sarili mong daan.

May mga pagkakataon sa buhay na parang tengga ka na sa trapik. O may pakiramdam na naabutan na ng pulang ilaw sa stoplight. Walang magawa, hindi naman makababa sa sinasakyan. Hindi alam kung ano ba talagang nagpatigil sa unahan. Basta dun ka lang.

Pero matapos ang paghihintay, uusad din yan. Sa panahong hindi tayo ang may hawak. Luluwag din ang daan sa harap, mabubuhay ang pag-asang makakarating din kayo sa destinasyon nyo. Nakikita ng Diyos ang pinagsimulan ng lahat hanggang sa pupuntahan mo. Pinadadaan lang nya tayo marahil sa trapik para matuto tayong pagtiwalaan Siya. Alam mong wala ka namang magagawa sa sarili mo. Mapapagod ka lang kung magpupumilit ka sa isang bagay na wala pa. Di mo kasi hawak ang manibela. Ang mga delays ay ginagamit Nya rin para magkaroon tayo ng panahon na mas maintindihan ang kalooban Nya sa pagkakataon na kasalukuyang nasa harap natin.


(December 4, 2010. Sabado)