Tuesday, August 7, 2007

pandesal at paglusong

8:39 ng umaga | ika-8 ng agosto 2007

umuulan. malamig. ayokong isipin na iniisip kong walang pasok sana. dala ko ang mainit na pandesal sa computer shop. mainit sa tiyan. hindi kapag kinain mo na, pero kapag dinikit mo ang papel na sisdlan nito sa iyong tiyan. hot compress. masarap. maginhawa.

mamaya ako'y lulusong sa ulan. may payong man ako, ang mabibilis na patak at talsik nito ay hindi makakaligtas sa pinampoproteksyon ko. lulusong ako sa nacs4 exam. ang nakaraang gabi, ninakawan ng mga oras ng pagtulog para makapag-review. lulusong ako sa pagsumite ng litlet ko. lulusong ako sa group discussion sa spcm106.

mabasa man ako, mapasukan ng tubig ang doll shoes ko, maipeksyunan man ako dahil sa 'king paglusong, mas mabuti na 'yun kaysa tumunganga. at tamarin igalaw ang 'yong eyeballs habang papalabo na nang papalabo ang 'yong nakikita.

nanlalamig na ang mga palad ko. tila mapaparalisa para hindi ko na maituloy ang pagtipa. pero lulusong ako. dala ko ang mainit na pandesal sa mga kamay ko, nagbibigay ginhawa.

No comments:

Post a Comment