Tuesday, October 9, 2007

MAY KWENTO SA PANCIT CANTON. KWENTO KO.

Elementary ako, naalala kong tuwing hapon, walang pasok, habang nanonood ng t.v., lagi kaming kumakain ng kuya ko ng instant pancit canton original flavor. Sarap na sarap kami. Para bang t.v. at pancit canton na lang ang buhay namin. Nakalagay sa yellow na balot, tapos niluluto ni mama. Hindi ko naman inaalam kung anong brand name ‘yon ng pancit canton. Kaya hindi ko na ilalagay dito. Para sa akin, ang Pancit Canton ay brand. Malapit lang naman ang tindahan kaya kahit hindi nag-go-grocery si mama para sa pancit canton ay pwedeng-pwede naman kaming tumambling lang sa malapit na tindahan. Limang piso o apat lang ata yun noon. Hindi ko matandaan.

 

Nung nag-high school ako, inimbento ng mga gumagawa ng pancit canton ang flavor na may calamansi. Masarap iyon nung una kong natikman. Kulay green ang balot. At siya nga naman, tulad ng mga pansit na niluluto sa bahay ‘pag may birthday, pwedeng may calamansi ito. Mas dama mo ang lasa. May kakaibang twist kumbaga.

 

Simula nang natikman ko ang pancit canton with calamansi flavor, hindi na ako bumalik sa pagkain ng original flavor lang. Hindi na ako nasasarapan kasi dun. Parang may kulang.

 

Naalala ko lang ulit, dahil siguro marami nang nakalimot sa original flavor, gumawa naman ulit ang gumagawa ng pancit canton ng advertisement na para sa original flavor. Bida sa commercial na iyon ang isang sikat na mag-amang artista. (Siguro naging konsyus na ako sa brand name ng pancit canton na kinakain ko mula nung bata pa ako.) Pero hindi ko alam kung nanumbalik ba ang benta ng original flavor na minsan kong minahal gawa ng commercial na ‘yon.

 

Teka. Hindi ko naman buhay ang pancit canton. Kaya hindi naman puro pancit canton ang pinagkukunan ko ng enerhiya sa araw-araw. Minsan-minsan lang. Ang kuya ko, gusto niya almusal, miryenda, mag-pancit canton. Ano siya, mayaman! Syempre naniniwala ako sa mga nutritionist at iba pang nakakaalam daw na hindi na mabuti ‘pag sobra. Lahat naman. Partikular lang dito sa pagkain ng pancit canton.

College na ako at nadiskubre ko ang pancit canton chilimansi flavor. Nadiskubre, ibig sabihin, natikman ko. At ngayon ay ang flavor na iyon na ang binibili ko pagmagpa-pancit canton ako. Palagi. Yun ang flavor na hinahanap ko unang-una. Higit kaysa sa calamansi flavor, lalo’t higit sa original flavor.

 

Takot ako sa maanghang. Pero isang beses pinatikim ako ng housemate ko ata (hindi ko na maalala) ng pancit canton na iyon ang flavor. Naanghangan ako kasi nga chilimansi. Pero nandon pa rin ang medyo flavor ng calamansi. Ayos lang naman.

 

At chilimansi flavor na anng gusto ko. Para maiba naman. Kaya ko na sigurong tolerahin ang mumunting anghang na meron ito. Kaya ko na nga. Minsan may maliliit na piraso pa ito na parang ginupit-gupit na siling labuyo. Hindi ko alam kung sikolohikal na lang ang binibigay na anghang nun sa akin o may epekto pa rin talagang anghang ito kahit matagal-tagal na itong nakakulong sa maliilt na pakete ng seasoning.

 

Marami pa akong nabalitaan na iba-iba pang kumbinasyon ng flavor na ginawa para sa instant pancit canton na ito. Hindi ko naman sila pinapansin. Ang pancit canton chilimansi flavor ang gusto ko ngayon. Pero hindi paborito.

 

Elementary ako nun, tapos nag-high school, tapos college. Nag-iba-iba ako ng gustong pancit canton. Talagang hindi pala naman hanggang katulad nung elementary lang ako ang panlasa ko. Dahil sa iba’t ibang flavor ng pancit canton na dumaan sa aking buhay, natuto akong mag-adjust. Tumikim at nagustuhan ko: ‘yung original flavor, with calamansi flavor o ‘yung chilimansi flavor.

 

Kung ngayon, gusto ko na lang ang chilimansi flavor, ayaw ko na bang balikan ang pagkain ko ng original flavor lang, o kahit ‘yung with calamansi? Hindi ko alam. Kinalimutan na ata ng panlasa ko ang sarap ng dating mga flavor na ‘yon, ‘yung original, na sinasabi ko pang parang ‘yun lang ang buhay ko (at ng kuya ko). Nawala na kaya ang minsang kilig na binigay sa akin ng maasim-asim na calamansi flavor sa pancit canton ko? Naku, wala akong sagot. Pero ito ang tatandaan ko:

 

‘Nung original flavor pa lang ang alam kong kainin, ang simple lang pala ng gusto ko. Tapos kinilig ako sa with calamansi na pancit canton. Bagong karanasan ‘yon. Nakaya ko ang anghang ng chilimansi, kahit hindi pamilyar ang dila ko rito. Ano pa bang nakalimutan ko. Ah! Hindi na lang pala si mama ang naghahanda nun para sa akin. Syempre natuto akong magpakulo na ng tubig, pakuluan doon ang noodles, at maghalo ng sauce. Haluin mo na ang sauce bago mo ilagay ang noodles.

 

Salamat sa iba’t ibang flavors ng pancit canton. Nagkaroon ako ng kwento. Naalala ko kung bakit ako ganito.

2 comments:

  1. may mga underlying meanings ba ang kwentong ito o plain kwento lang?
    kasi parang meron. o baka 'creative' lang ako. hehe.

    ReplyDelete
  2. bahala ka na mag-isip. kadalasan namang sa mga ganyang kwento naloloob ang mga insights sa buhay. (nasa insight ako ngayon. haha.)

    ReplyDelete