Friday, April 16, 2010

May Kwento ang Email Add Ko.


11 October 2007, 3:11 am

Freshman high school, dahil sa impluwensiya ng classmate kong si Diane* na maagang nahilig sa internet at pakikipag-chat, gumawa ako ng email address. Trenta pesos ata ang renta ng computer noon. Ang mahal pala ah! Unang beses, sa malapit na kompyuteran sa kanila, tinuruan niya ako kung paano i-search ang profile ni Ben Adams at iba pang miyembro ng A1, nina Marit at Marion ng M2M, at ng Westlife lalo na ni Marcus Michael Patrick Verdon “Mark” Feehily na crush ko, at makakita ng sandamukal na pictures nila! Pinakita niya rin sa akin kung paano ba makipag-chat sa MIRC at makakilala ng mga tao na tagalabas ng Pilipinas. Andaming pinipindot. Tapos kailangan meron kang email address. Sinubukan kong kaibiganin ang teknolohiya at ang internet. ASL pls? sasagutin ko ng: 15 f qc.

Sumunod na pagkakataon, hindi na niya ako nagawang samahan. Di ko alam sa kanya kung bakit. Pero sabik na ako noon na makasingit sa malawak na cyberspace at makasilip sa anong meron dito. Kaya naman, sinuong ko mag-isa ang dagat na teknolohiya gamit ang keyboard, mouse at trenta pesos sa bulsa ng palda kong checkered. Simula rin noon, nagkaroon na ng partikular na amoy sa akin ang mga computer shops. At nalulunod pa rin ako ngayon sa dagat na una kong sinubukang languyin nung kinse ako.

Hindi ko alam kung paano gumawa ng email address. Pero madali lang naman. Sumunod ka lang sa panuto, pati gumaya sa ginagawa ng katabi mo. Makakaraos ka. Sa website ng Yahoo! daw pwedeng gumawa ng email add. SIGN UP. Klinik ko iyon. Nagsimula na ang proseso. Ilang gabi akong naglalaan ng oras bago matulog sa kakaisip kung ano ba ang magiging email address ko. Ano ba? Ano kaya?

Sa wakas, tinipa ko ang: marit_mark@yahoo.com. (Hindi na pala kailangan ang @yahoo.com). Ito ang napagbuno ko sa maraming beses na pag-iisip. Ako si Marit ng M2M habang ang bestfriend ko na si Ivy* si Marion. Asawa namin si Mark Feehily**. Pwede sa amin ang polygamy ‘pag kay Mark. Bestfriends naman kami.

Humihingi naman ng password! Hindi ko alam kung anong ilalagay. Hindi ko rin alam kung para saan iyon. Paglingon ko sa katabi kong babae, may tinitipa rin siya sa patlang para sa password. Pinanood ko. Buti na lang. (Pero ngayon, naisip kong hindi pala tama na nakikitingin ka sa pagsasagwan ng katabi mo sa computer shop.) May apat na asterisks (****) siyang nilagay. Aha! Ganun pala. Dahil doon, limang asterisks ang nilagay ko sa akin para hindi kami magkapareho. Saka ko nadiskubre na dahil password iyon, sadyang asterisks ang lalabas kahit ano pang karakter ang itipa mo. Isa pa, hindi pala asterisks ang nilagay kong password talaga. Katumbas noon ay limang number eight (88888).

Hindi ko na tinangkang ibahin pa ang password ko. Basta nabubuksan ko naman ang email add ko. Bininyagan ng mensahe galing sa Yahoo! ang inbox ko at marami pang mensahe galing sa ewan-kung-totoong-tao-ba na resulta naman ng pagche-check ko ng “interests” nung nag-sign up ako. Subscription pala ‘yun. Di ko naman napakinabangan.

Matagal kong gamit-gamit ang marit_mark@yahoo.com. Sa palagay ko ay hindi naman masyadong naging pabigat ang pagkakaroon ko nun sa buhay estudyante ko. May mailalagay pa kong sagot sa ‘Email Add:’ sa slum book ng kaklase ko.

Siguro ay junior (o senior ba) na ako sa high school nung maisipan kong gumawa ng mas presentableng email add. Hindi ko na masyadong gusto si Mark kasi marami nang nagkakagusto sa kanya. Pansamantalang nalimutan ko naman ang M2M dahil hindi na ako makapanood ng mga MTVs nila.

Pero tulad nung una akong gumawa ng email add, pinag-isipan ko uli iyon ng husto. Sa katunayan, nagawa kong nakarambol na puro letra na buong pangalan ko ang email add ko. Ang kinalabasan ay zaipril02@yahoo.com.

Hindi ko gustong nauuna sa anumang bagay at ayoko rin naman ng nahuhuli. Sa gitna lang. Kaya 02 ang kadugtong ng zaipril.

Nakakapunta na ako at nakakalamyerda sa internet nang mag-isa at hindi na dumedepende sa katabi para sagutin ang mga bagay na di ako sigurado.

Hindi ko naman matandaan kung ano na nga bang unang password ko roon. Basta sa ngayon, natutunan kong mas praktikal pala kapag pagpapareho-pareho-in mo ang password mo. Ito’y para hindi ka malito sa dami nang nagsulputang kagaya ng patok na patok na Friendster na sinayn-apan mo ng account.

Pansamantala akong nakuntento ng matagal-tagal din naman sa zaipril02@yahoo.com kong email add. Nung nagkaroon ako ng account sa Friendster, nalulunod na ako sa updates na dumadating sa inbox ko. Ang panahon na ginugugol ko sa pagbura niyon (dahil melancholic ako), sa palagay ko, ay nakakabigat na sa buhay estudyante ko. May dumating na solusyon para sa akin dun. Halina’t magbasa pa.

Sa pamamagitan uli ng isa ko pang kaklase na si Dianne* (Double ‘n’ na ang spelling ng pangalan nito. Hindi siya ‘yung dati), gumawa ako ng email add sa hellokitty.com. Imbakan iyon ng mga mensahe gawa ng Friendster updates. Dahil biglaan lang at wala talaga sa plano ko ang pagkakaroon ng panibago, ginawa ko na lang na riza02@hellokitty.com ang email add ko. Nakakawili din naman magbukas ng email na may kulay pink na screen at may mga Sanrio characters sa paligid ng inbox mo. Pero imbakan lang nga talaga ang email kong ito. Di pa rin ako nadala ng dekorasyon at pambabaeng/pambatang hellokitty. Ngayong taon lang, nalungkot ako dahil nawala na ng tuluyan ang email add kong ‘yon. Tiningnan ko sa mismong site pero di na ata sila sumusuporta sa paggawa ng email add sa kanila. Nabuko kaya na ginawa ko lang imbakan ‘yon?

Sa pagitan ng paggawa ng email add sa Yahoo! at hellokitty, sumubok akong gumawa rin ng iba’t iba pang klase ng email add sa hotmail at sa hindi-ko-na-matandaan pa. Subok lang naman. At ni hindi ko nabuksan ang mga ‘yon. Parang joke lang.

Habang tumatanda ka pala ay nagkakaroon ka na rin ng kamulatan kung alin ang pambata sa hindi. College nung gawin kong ‘pormal’ ang tunog at itsura ng email add ko. Lalo’t magpa-practicum na ako at magpapasa ng resume sa ilang ‘tunay’/businesslike/professional (talaga) na mga kumpanya. Dati ko pa naman gusto gawin iyon. Wala lang akong pagkakataon. Pero dumating na ang tamang panahon. Third year college, ang opisyal ko nang email add ay riza.pilapil@yahoo.com.ph.

Pakiramdam ko, ang personal sa akin ng email add ko na ‘yan. Hindi lang dahil sa buong pangalan ko ang nakabalandra, o dahil may .ph sa dulo na nagsasabing taga-Pilipinas ang may-ari ng email add na ‘yan. Siguro nga kasama ang mga ito sa dahilan. Ang mas naiisip ko rin kasi ay ang parang wala kang pagtatago sa likod ng kung anong inimbento mong pseudonym. Hindi na kailangang pagrambolin pa ang letra ng iyong pangalan o magbago ng nickname (at iba pang impormasyon) katulad ng ginagawa kapag nakikipagchat sa MIRC. Sa paggamit mo ng tunay mong pangalan, saka pwedeng makikita na naiiba ka.

Buhay na buhay pa ang zaipril02@yahoo.com kong email. Pero parang nakikita kong sa dami ng mga pumupuno ditong mensahe (na nabura ko na pala kahapon!), napapalayo na ito sa akin.

Nagpapasalamat uli ako sa kwento ng email add. Nakita ko ang ebolusyon ng personalidad ko at iba pa. Pero nandun pa rin ang minsan-minsang pagkalunod ko sa dagat na kahit ayawan ko, tanggap ko naman na kailangan ko. Nakakainom nga ako minsan ng tubig. Ang alat. Pero mahalaga ang alat. Tara, let’s surf the net.

______________________

*Tunay na pangalan (Hello, kamusta na kayo?!)

**Single pa talaga ako. Nag-divorce na kami ni Mark (joke).

No comments:

Post a Comment