Ito ang karugtong ng series ng kwento ko tungkol sa mga tao-tao (tao-tao?) sa bahay namin at sa buhay ko. (naging series na nga ata talaga. wala naman akong ibang maisulat pang subject dahil sila ang nakikita ko--kahit natutunan ko nang makisabay sa buhay ng isang call center agent na wala sa bahay pag gabi, ito ang sinubukan kong career ngayon--sila pa rin ang inuuwian ko sa bahay, mga damit at gamit nilang nakakalat ang nadadatnan ko pag-uwi, mga larawan naming hindi na ata kami lumaki ang laman ng mga picture frames sa sala, at ang antisipasyong makita ko pa rin sila kahit nakukunsumisyon ako kay Kuya Romel (pogi). Kanya nga pala ang kwentong ito.
May kuya ka ba?
’Yung ibang walang kuya, gustong magkakuya. O yung iba, gustong maging kuya kapag walang nakababatang kapatid (ano, yobic, tama?)
Pero, wala naman tayong magagawa kung anong birth order mo sa pamilya. Tapos, dahil bully si Kuya Romel o Kurmel for short (pauso ata 'to ni mimi nung bata pa siya), inisip ko na sana ako na lang ang Kuya (ehem… o Ate for that matter). Pakiramdam ko kasi, mas kilos matanda pa ko sa kanya. At ang alam ko, ang kuya ay dapat mas kilos matanda kesa sa mga nakababata sa kanya.
Para makilala mo ang kuya ko, siya ay:
-matakaw (kaya naman palayaw niya rin ang palayaw ng mga matatakaw na bata noon, na obvious sa katawan: “Baboy” at “Taba” ang usual na pantukoy sa kanya noon)
-madamot (basta!)
-mahilig sa cartoons kahit matanda na
-isip-bata (marami itong pagpapatunay)
-pinapaamoy ang mabahong paa sa akin (tinatapat sa mukha namin ang paa niya pag nananahimik kaming nanonood ng TV)—kadiri!
-batugan (utos nang utos, aba!)
-kamukha ni Bayani Agbayani sa paningin ko. At naimpluwensiyahan ko si mimi sa ideyang iyon (FYI: tuwang-tuwa ako kay Bayani at inaasar ko siya lagi pag nakikita namin si Bayani sa TV)
-pwede ring artista (hindi ko malilimutan ang pagdadrama niya na hinintay pa raw niya ako galing LB para sabay na kainin ang pasalubong na chocolates. Binigyan ko siya sa habag(?). At nalaman-laman ko na nakarami na pala siya ng pagkain ng chocolate nung wala ako! Naisahan ako.)
-madaldal (andaming katwiran)
-hinahabol ko ng hanger kapag sobrang makulit na (at tumatakbo naman siya para di ko maabutan)
-tigyawatin nung high school
-may secret siyang niligawan na kaklase niya. Humihingi pa siya ng pabango galing sa Avon ni mama panregalo sa babae (na di rin ata naging sila sa huli. Aww--sayang ang pabango. Hehe.)
-mahilig siya mang-asar. Nasabi ko na bang bully siya??
-ganyan ka-“sweet” ang kuya ko
Sa mga nilista kong paglalarawan sa kanya, hindi na ata maganda ang naging mukha niya. (Technically, pogi naman kahit papaano sa paningin ko ang kuya ko. Haha.)
Ito na lang (mga pambawi kunwari):
-nung bata pa ako, nakakatulog ako sa panonood sa kuya ko habang dinodrowing niya sina Son Gokou. Hindi naman niya ako pinapaalis.
-inuutusan ko siyang idrowing ang mga assignment ko sa school. At di siya pwedeng magreklamo. Ginagawa naman niya. Buti na lang.
-inaway niya ako noon at nagkasakit ako. Kaya naman, nang inutusan siya ni mama na bumili ng gamot ay hindi siya magkandaugaga sa pagsunod.
-na-appreciate kong hindi pa raw muna siya mag-aasawa. Alam na niya ang responsibilidad niya sa pamilya. Pero syempre…
-kapag umuuwi ako galing training sa trabaho, lagi ko siyang naaabutan na naghihintay sa papasok ng village-village-an namin. Sinusundo ako ng kuya ko kasi gabi na at wala akong kasabay pauwi sa amin. Kahit nagmamaktol siya, ginagawa pa rin naman niya.
-sa mga unang sweldo niya galing ang Nokia 1100 ko na binigay niyang nakapaloob sa isang purple na gift bag noong November 30, 2006. Hindi ko akalain.
-pinagalitan niya ako nung nakita niyang mukha akong yagit (sa standard niya) na pumapasok sa trabaho. Sabi niya, mag-ayos naman daw ako ng itsura ko at hindi na ako bata.
-kapag nag-aalmusal siya ng noodles at isa na lang ang kapartner nitong tinapay, nung hiningi ko ay binigay pa rin niya. Pinatikim din niya ako ng pansit canton na kung titingnan ay ayaw niya ni ipaamoy sa iba.
Marami rin siyang hindi naiintindihan sa akin.
Sabi ko makitid ang utak niya.
Pero parang ganun din ako kung iisipin ko ang ganoong bagay tungkol sa kanya.
Nakakaasar si Kurmel.
Siguro may mga bagay na gusto ko sanang ginagawa niya na hindi niya ginagawa.
Sana… sana… sana.
Minsan inisip ko na sana totoong kuya ko na lang, halimbawa, si Kuya Ysra... kesa sa kanya.
Pero tulad ng wala tayong magagawa sa birth order natin, wala rin tayong magagawa kung sino ang mga taong kasama natin sa birth order na yon. Hindi naman hopeless case ito. Pero higit na isang opportunity ang pag-discover kung paanong isang magandang regalo pala ang pagiging middle child ko at pagiging kuya ko si Kurmel.
Nalalaman ko rin na ang panalangin kong pagbabago sa kuya ko ay nangyayari rin sa puso ko—kung paano ko siya tingnan na pwedeng mas popogi pa pala siya kung pwedeng pogi na siya sa simula. Get?