Wednesday, July 23, 2008

musikang hindi naluluma

kapag naririnig ko ang tunog kundiman, naiisip ko si papa sa labas ng bahay habang nakikinig kay Atong Balatong sa luma niyang radyo na naka-extension cord. sabado ng gabi. ang aninag ng buwan ang nagsisilbi niyang liwanag habang prenteng nakataas ang mga paa sa mesa. gusto kong maupo at makinig kasama niya. baka sakaling makasama ako sa pagbabalik-tanaw niya sa panahon ng lumang musika.


kapag naririnig ko ang instrumental na intro ng "christmas in our hearts" ni jose mari chan, naaalala ko ang malaking parol na ginawa ni papa nung bata pa kami. nilagyan niya ito ng bumbilya sa loob at sinabit mula sa second floor. anong kagalakan ang nasa aming mga mata.
 

kapag naririnig ko ang iba pang christmas songs, naaalala ko naman ang mga sandaling nakasandong puti at shorts lang ako, tumatambay sa owner jeep namin sa umaga habang pinapatugtog ni papa sa cassette player sa sasakyan ang tape ng masasayang christmas songs. sinayaw pa namin ang iba nung elementary sa isang field demo.

kapag naririnig ko ang mga pan-linggong tugtog sa iFM, parang nakikita ko ang malalaking plaka ni papa na parang unang version ng cd. ito ang bidang pinapatugtog tuwing may handa gamit ang malaki niya ring player. nung bumalik kami sa bahay namin sa antiplo, nahalungkat muli ang mga plaka. inaamag na ata ang case ng mga ito. pinamigay na rin niya ang player (na hindi ko pala natanong kung anong tawag).
 

kapag nakikita ko ang ukelele na nakasabit sa tabi ng kabinet sa kwarto, si papa pa rin ang naiisip ko at ang masaya niyang pangungulit sa pamamagitan ng pagkalabit ng apat na kwerdas nito.

kapag kumakanta sa isip ko ang "may tatlong bibe akong nakita... mapayat, mataba, mga bibe", naaalala ko ang papag namin at ang koleksyon ng mga nursery songs na nasa cassette tapes. naging theme song yun ni papa sa pagpapatulog sa amin habang hinahagod ang aking buhok.

kapag napapansin ko ang trompa ni papa na nakasabit sa may kusina namin, naalala ko ang bagong taon. pinapahiram niya iyon sa mga nagko-coordinate ng party para sa mga bata pag new year's eve. tapos, may parang sirena rin siya na gusto sana niyang paingayin nitong dalawang huling new year's eve pero ayaw nila kuya romel. maingay daw. (aba'y syempre!)

kapag naririnig ko ang sipol ni papa, alam kong dumating na siya galing sa trabaho. may dalang Chocolait para sa akin, kay kuya romel at kay mimi. nung lumaki na ako, ganun pa rin ang sipol niyang pagsalubong sa mga bata na kapitbahay namin na tinatawag na siyang "Lolo Tony", magbe-bless sa kanya at sumasabay umangkas sa motorsiklo niya. minsan naman, may bitbit pa siyang maiinit na pandesal.

kapag naririnig ko ang magaling na pagsipol ni papa sa himig ng iba't ibang kanta, kahit na novelty o love song, naiisip ko ang itsura niya habang nagmamaneho siya ng sasakyan at kaming magkakapatid ay nakaupo sa likuran. cool.

si papa ang musika kong hindi naluluma. lagi siyang sold-out siya sa 'kin.





6 comments:

  1. ambilis ni charet ah! uwi na ko. babay muna. : )

    ReplyDelete
  2. nakakatuwa ang pagmamahal mo sa papa mo riza. :)

    ReplyDelete
  3. kaso sumpungin na ata siya ngayon. senior citizen na kasi. haha. sinamahan ko siya kumuha ng senior citizen's id nun. tapos excited siyang um-attend ng meeting ng asosasyon ng mga seniors nun. haha. siya ang tatay kong kalbo..

    ReplyDelete